Categories
Featured How to & Advice

Paano Mag-invest sa Philippine Stock Market

Paano ba gumagana yung stock market? Paano magsimula mag-invest sa stocks at paano kumita dito? Ito ang mga pinaka-karaniwang tanong na natatanggap nami araw-araw. Sa artikulong ito susubukan namin sagutin ang mga tanong na iyon at ipapaliwanag rin naming kung paano ka pwedeng magsimula mag-trade ng stocks.

Magsimula tayo sa mga pinaka-importanteng konsepto.

Unang-una, paano nga ba gumagana ang isang market? Intindihin natin ito gamit ng pinaka-simpleng halimbawa ng market: ang palengke.

Sa palengke, may mga nagbebenta at bumibili ng mga gulay, prutas, bigas, at iba pang mga kasangkapan natin sa pang-araw-araw. Parang ganito rin ang stock market, pero imbes na mga produkto, mga kumpanya ang binibili at binebenta—oo, mga kumpanya! Sa stock market, pwede ka maging isa sa mga may-ari ng mga kumpanya tulad ng PLDT, Jollibee, Ayala Land, Meralco at iba pa.

Nagtataka ka siguro kung paano makabibili ng ganyan kalaking kumpanya ang isang karaniwang Pilipino. Di ba mahal ang mga kumpanyang iyan? Ang sagot: oo naman! Pero iyan ang dahilan kung bakit hinahati-hati ang mga kumpanyang ito bago ibenta. Tulad ng isang pizza na hinihiwa para maging mas madali kainin, ang mga kumpanya rin ay hinahat-hati sa tinatawag na shares para mas madali bilhin. Kung gaano karaming shares ang mabili mo, ganoon rin karami ang porsiyento ng kumpanya na pagmamay-ari mo.

Halimbawa, kapag isang kumpanya ay hinati sa 10 milyon na shares tapos 1 milyon dito ang hawak mo, ikaw ang may-ari ng 10% ng kumpanyang iyon. Galing noh?

Pero bakit ba nagbebenta ng mga shares ang mga kumpanyang ‘to? Bakit nila kailangan ang pera natin? Ang sagot dito ay dahil minsan kinakailangan nila ng karagdagang pera para palakihin ang negosyo nila. Kung gusto nila gumawa ng bagong produkto o magtayo ng isa pang pagawaan, malaking halaga ng pera ang kakailanganin nila. Kahit malaking kumpanya, nahihirapan pa rin makakuha ng ganoon karaming pera ng mabilisan, kaya imbes na maghintay pa sila ng ilang taon nagbebenta nalang sila ng shares sa stock market. Ibig sabihin nito na kapag bumili ka ng shares ng isang kumpanya, binibigyan mo sila ng pera para palaguhin ang negosyo nila.

Edi paano nga ba kumita sa stock market?

Kapag nakabili ka na ng mga shares o stocks, maaari kang kumita sa dalawang paraan: sa pagtaas ng presyo o sa pagtanggap ng sinasabing dividends.

1. Kita sa pamamagitan ng pagtaas ng presyo

Kapag nakabili ka na ng mga shares ng isang kumpanya, maaaring tumaas o bumaba ang market value o presyo ng mga shares na ito. Depende nalang kung mas marami ang gustong bumili o magbenta ng mga shares na iyon. Ito ang konsepto ng supply and demand.

Halimbawa, kung nalaman ng mga tao na malaki ang kinikita nung kumpanya o kaya maglalabas sila ng bagong produkto, mas maraming tao ang magiging interestado bumili ng shares ng kumpanyang iyon. Kapag mas marami ang mga gustong bumili nung stock pero konti lang ang gustong magbenta, tataas ang presyo dahil mas malaki ang demand kaysa sa supply.

Kung mas marami naman ang gusto magbenta nung stock pero konti lang yung gustong bumili, pwede rin mangyari ang kabaligtaran—bababa yung presyo dahil mas maraming supply kaysa sa demand. Maraming posibleng dahilan para rito, tulad ng mahinang benta, sumabog na pabrika, o kung anumang problema sa negosyo.

Maraming iba’t ibang bagay ang pwedeng makaapekto sa supply at demand. Dahil konektado ang buong mundo, maaaring apektuhan din ng pangyayari sa ibang bansa ang ating ekonomiya, pati na rin ang presyo ng mga stocks sa Philippine Stock Exchange.

Para kumita sa pamamagitan ng pagtaas ng presyo o price appreciation, kailangan marunong kang pumili ng mga stocks na tataas ang presyo. Kailangan marunong ka rin magbenta bago bumaba ang presyo nito. Mahirap man matuto kung paano gawin ito, kapakipakinabang pa rin kasi kapag marunong ka na, walang limitasyon sa mga oportunidad kumita.

2. Kita sa pamamagitan ng dividends

Ang isa pang paraan upang kumita sa stock market ay sa pamamagitan ng pagtanggap ng dividends. Dividends ang tawag sa bahagi ng kita ng kumpanya na binibigay sa mga shareholder o yung mga may-ari ng shares ng kumpanya. Depende nalang sa patakaran ng bawat kumpanya kung gaano karami at gaano kadalas ang pamamahagi nila ng dividends.

Mas simple ito kumpara sa price appreciation, pero wala ka masyadong kontrol sa kita mo. Nakadepende ka lang sa kumpanya. Kung ayaw mo nang masyadong aralin ang supply at demand sa market, pwede ka naman bumili ng shares sa mga kumpanya na madalas magbigay ng dividends. Ok rin ito kasi di mo na kailangan magsikap masyado pero may kikitain ka rin kahit papano.

Interesado ka ba? Eto ang mga kailangan mo gawin para magsimula.

Unang-una, alamin mo kung ano ang pinapasukan mo.

Totoo nga na pwede ka kumita sa stock market, pero pwede ka rin malugi kung di mo alam ang ginagawa mo. Tulad ng pagguhit o pagtugtog ng instrumento, kasanayan din ang stock trading. Huwang mong iisipin na kikita ka lang ng basta-basta kaagad, lalo na kung nagsisimula ka palang. Kakailanganin mong matuto at magsanay para gumaling sa stock trading, kaya huwag kang magtapon lang ng pera. Aralin mo kung paano ang tamang proseso. Hindi sugarol ang mga stock trader.

Kung gusto mo magpraktis pero ayaw mo pa gumamit ng totoong pera, pwede mo muna gamitin ang virtual trading platform namin. Gamit ng platform na ito, pwede mong masubukan ang pagbili at pagbenta ng stocks, pmamahala ng sariling portfolio, at pagsunod sa mga pagtaas at pagbaba ng presyo sa Philippine Stock Exchange—ng walang ipinagbabakasakali na pera. Dito mo mararanasan kung paano nga ba talaga kumita gamit ng stocks, at masasabi mo na rin kung gusto mo tumuloy sa paggamit ng tunay na pera o kung mas bagay sa iyo ang ibang klaseng investments.

Ok rin ang stock market kung gusto mong palakihin ang puhunan mo ng mabilisan, pero di lang naman ito ang nag-iisang opsyon mo. Alamin muna kung ano ng pinapasukan mo bago mo gamitin ang pinaghirapan mong pera.

Pangalawa, maghanap ng stock broker.

Kapag sigurado ka nang gusto mo mag-stocks, ang susunod na kailangan mong gawin ay maghanap ng stock broker. Stock broker o broker ang tawag sa mga tao at institusyon na mayroong lisensya bumili at magbenta ng stocks sa Philippine Stock Exchange. Kung gusto mo maging stock trader, kailangan mo maghanap ng broker na mamimili at magbebenta ng stocks para sa iyo.

Mayroong dalawang uri ng broker: ang mga traditional brokers at mga online brokers.

1. Traditional Brokers
Kadalasan, ang mga traditional brokers ay mga tao na tinatawagan o kaya tinetext kapag gusto mo bumili o magbenta ng stocks. Dahil sa teknolohiya ngayon, karamihan ng mga broker pwede na rin makausap sa Facebook, Viber, at iba pang mga apps. Ito ang karaniwang gamit ng mga taong abala sa trabaho at nangangailangan ng gabay ng isang propesyonal.

2. Online Brokers
Sa online broker naman, kadalasan ito yung mga institusyon na mayroon lang website kung saan pwede ka bumili at magbenta ng stocks para sa sarili mo. Wala ka nang kakausaping tao, sa halip ay pupuntahan mo lang yung website nila at pwede ka nang bumili at magbenta ng stocks. Ito ang karaniwang ginagamit ng mga aktibong trader dahil mas mababa ang bayad sa broker at mas mabilis ang mga transaksyon. Ok ito kung gusto mong matuto talaga o kaya naman kung alam mo na ang gagawin mo. Wala nga lang magpapayo sa iyo kaya kailangan may kaalaman ka na talaga sa stocks.

Pangatlo, magbukas ng account.

Kapag nakapili ka na ng stock broker, kakailanganin mong magbukas ng account sa kanila. Iba-iba rin ang mga pangangailangan depende sa broker, pero iilan lang naman ang mga hinihingi ng karamihan sa kanila:

1. Aplikasyon na naisagot ng maayos (maaari niyo hingiin ito sa opisina nila o kaya sa website nila)

2. Dalawang government ID tulad ng passport o driver’s license

3. Iyong Tax Identification Number (TIN)

Kapag naipasa mon a lahat ng mga ito, hintayin mo lang yung pag-apruba ng account at pagkatapos ay ideposito ang puhunan sa kanila.

Pang-apat, simulan na ang pagtrade!

Kapag nadeposito mo na yung puhunan sa iyong napiling broker, pwede ka na bumili at magbenta ng mga stocks! Alalahanin lamang na di nito ibig sabihin na kikita ka kaagad ng maraming pera. Kung nasubukan mo na yung virtual trading platform namin, alam mo nang kailangan ng oras at sikap kung gusto mo kumite sa stocks. Kailangan mo aralin yung market, tutunan ang tamag pag-diskarte, at tuluyang pagtibayin ang sarili kung gusto mo magtagumpay. Habang tumatagal ka sa stock market, lalo mong maiintindihan ang sarili mo at ang trading style na bagay sa iyo.

Per huwag ka hihinto doon!

Marami na tayong napag-usapan dito, pero palaging may higit pang pwedeng matututunan. Maraming iba’t ibang paraan para mag-invest, kumita, at magtagumpay sa stock market.

Mag-subscribe sa InvestaDaily para makakita ng iba pang mga artikulo, o mag-sign up para sa Investagrams para magamit ang mga features naming na pwedeng makatulong sa iyo. FREE naman ito lahat!

Nagustuhan mo ba ang artikulong ito? Mag-comment sa ibaba kung gusto mong magsulat pa kami ng mas maraming artikulo na Filipino!

Leave a Reply

By Investa

Investagrams has helped thousands of Filipinos all over the world on their stock market journey. Now, we're aiming to help thousands more! Follow us on InvestaDaily for investing tips and stock market advice to help you reach your first million.

Leave a Reply Cancel reply

Subscribe to our Newsletter

Join our mailing list for investing tips and stock market advice
to help you reach your first million.

You have Successfully Subscribed!